Lakbay ni Sundi: Alaalang Nais Balikan Sa Vigan
Alaalang Nais Balikan Sa Vigan
May bakasyon ba kayo ng pamilya mo na hindi mo malimutan? Bakasyong may espesyal na lugar sa iyong puso? Arat (Tara) na! Samahan mo akong balikan ang memoryang hinding hindi ko malilimutan.
Ang makasaysayang bayan ng Vigan ay itinatag noong huling bahagi ng 1500s, sa panahon ng dominasyon ng mga Espanyol sa Pilipinas, at mayroon pa ring pagkakatulad sa hitsura at pakiramdam makalipas ang daan-daang taon. Ang well-preserved na lungsod ay ang kabisera ng Ilocos Sur, sa Hilagang-Kanluran ng Luzon, at isa ring UNESCO World Heritage site. Ang Vigan ay isang mahalagang poste ng kalakalan sa baybayin noong panahon ng pre-kolonyal. Bago pa man dumating ang mga Espanyol na galleon, ang mga Chinese junks ay naglayag mula sa South China Sea patungong Isla de Bigan sa pamamagitan ng Mestizo River.
Nagsimula ang lahat noong summer ng taong 2013. Napagdesisyunan ng aking mga magulang na magbakasyon sa Ilocos Sur upang bumisita sa bayang kinalakihan ng aking ina at upang makilala rin namin sa personal ang aming lolo't lola. Medyo nakakapagod ang biyahe papuntang Vigan pero habang nagsisimula ang aming paglalakbay, masasabi kong sulit ang aming pagkapagod at jetlag. Pagdating namin, nabagohan kaming magkapatid sa mga iba't ibang bagay o aspekto tulad ng kanilang bersyon sa tricycle at empanada, ang Spanish Colonial Town, mga kalesa, at iba pa.
Sa aming paglalakbay sa mga Spanish Colonial Town, napaisip ako kung ano ang mga makasaysayang nangyari sa mga antigong bahay na iyon. Napaisip at napamangha din ako kung paano nila napreserba ang mga antigong bahay kung ito ay itinayo maraming dekada na ang nakalipas.
Ako at aking kapatid sa isang kalye sa Spanish Colonial Town
Pagkatapos naming maglibot sa mga kalye ng Spanish Colonial Town, napagdesisyunan ng aming pamilya na manatili sa plaza upang matuklasan ang nakakamanghang dancing fountain. Ang dancing fountain na matatagpuan sa Plaza Salcedo Lagoon, Vigan, Ilocos Sur, ay wagi sa pagbibigay aliw sa lahat ng manonood. Itinatag sa pamamagitan ng inisyatiba ni dating Vigan Gobernador Chavit Singson, ang nakakamanghang pagpapakita sa kapana-panabik na mga ilaw ng laser at nakakapanabik na musika – ang epitome ng lagoon ng plaza na itinayo noong 1970s bilang solusyon sa pangangailangan ng lungsod ng tubig sa mga oras na may sunog.
Habang nanonood kami sa dancing fountain, kami ay nasabik sa pagsayaw ng tubig kasabay sa tugtuging nakakapaggalaw ng iyong buong katawan. Tunay ngang nakakamangha ito!
Ang dancing fountain tuwing gabi
Bukod sa mga nakakamanghang istruktura at tanawin sa Vigan, mayroon din silang patok na mga delicacies na hinahanap hanap at sabik akong matikman ulit. Natuklasan ko ang mga delicacies na ito noong bumili ang aking mga magulang ng pasalubong sa aming magkapatid at noong nagpunta kami sa plaza.
Isa sa mga pagkaing patok sa Vigan na talagang hindi ko makakalimutan at laging nakatatak sa aking isipan ay ang kanilang empanada. Nung una, nababaguhan ako sa itsura ng kanilang empanada at ang palaman nito. Subalit sa sandaling natikman ko ito, nanlaki ang aking mga mata at napatanong ako sa sarili ko kung bakit ngayon ko lang natikman ang empanada nila. Ang asim ng sawsawang suka ang nagbabalanse sa lasa ng mga sari-saring gulay, longganiza, at itlog, tamang tama na pangmeryenda sa hapon.
Ang aming paglalakbay sa Vigan ay isa sa mga karanasan at alaalang hinding hindi ko malilimutan hanggang sa aking pagtanda. Mahirap magpaalam sa bayang kinalakihan ng aking ina, ito ay tunay na hindi lamang isang pangkaraniwang paglalakbay. Nabigyan ako ng pagkakataong matanaw at maramdaman ang kasaysayan magmula sa magandang tanawin ng Spanish Colonial Town, dancing fountain, Baluarte, at ang Vigan Cathedral. At isang karangalan na para sa akin ang mabigyan ng pagkakataong matikman ang kanilang mga pagkain o delicacies.
.jpg)







